punyal
Kailan ka ba titigil?
di’ mo ba naririnig?
sumisigaw na ako.
Kailan ka ba mapapagod?
di mo ba nakikita?
duguan na ako.
kailan mo ba hahawiin?
ang tabing na bumabalot sa dilim.
Kailan mo ba ihahain?
ang katotohanang
sabik ng madampian ng mga labi.
Kailan ka ba lalabas?
sa aninong pinagkukublihan
Kailan mo ba huhubaran
ang kasinungaling
pilit mong tinatakpan.
Hayaan mong marinig ko
ang nakabibinging tunog
kung kasunod nito ay
walang hanggang katahimikan.
Hayaan mong maghilom
ang sugat na laging naroon
at bumitiw sa pagkakahawak
sa isang huwad na pag-asa.
Hugutin mo ang punyal
na lumalagot sa bawat paghinga
hayaan mong dumaloy ang hapdi at kirot
kung ito’y hudyat ng panibagong simula.